Naaresto ng National Bureau of Investigation ang umano’y hacker na pumasok sa website ng Commission on Elections (Comelec).
Nadakip ang hindi pa pinangalanang suspek kagabi at ngayon ay nasa kostodiya ng Cybercrime Division ng NBI.
Ayon kay NBI Director Virgilio Mendez, nadakip ang suspek sa Metro Manila lamang matapos ang isinagawang ilang linggong digital at human surveillance ng NBI.
Noong March 27 ng hatinggabi hanggang March 28 ng umaga ay nagawang pasukin ng hacker na nagpakilalang Anonymous Philippines ang website ng Comelec.
Marami ang nangamba na baka may nakuhang mahahalagang datos o impormasyon sa Comelec website ang nasabing grupo.
Sinabi naman ni Comelec Chairman Andres Bautista na inamin mismo ng nasabing hacker na siya ang nasa likod ng pagpasok sa website ng Comelec.
Bata pa ang naarestong hacker at inaalam na ng Comelec at NBI kung nasa likod din siya ng pananabotahe sa website ng iba pang ahensya ng Gobyerno.