Upang mapalakas ang vaccine confidence sa mga pulis at publiko, naturukan na si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19.
Nabigyan ang hepe ng PNP ng bakuna sa pagsisimula ng vaccination sa mga pulis na nasa ilalim ng A4 priority group, araw ng Martes (June 15).
Naturukan na rin ng unang dose ang mga miyembro ng PNP Command Group upang mahikayat ang lahat ng pulis na ligtas ang bakuna.
“Bilang ama ng PNP, gusto kong ipakita sa ating hanay na epektibo po ang bakuna laban sa COVID-19. Lahat po ng bakunang aprubado ng Food and Drug Administration ay ligtas kaya’t huwag po kayong matakot na magpaturok nito,” pahayag ni Eleazar.
Dagdag nito, “Mas magagampanan po natin nang maayos ang ating trabaho bilang mga front liners kung mababakunahan po tayo. Kailangan nating pangalagaan ang ating kalusugan mula sa coronavirus upang magawa natin ang ating mandato na magpatupad ng batas at proteksyunan ang publiko.”
Sinabi ni Eleazar na nasa 92.76 porsyento ang vaccine confidence rate sa hanay ng pambansang pulisya.
Inaasahang mas marami pang doses ng COVID-19 vaccine ang maibibigay sa PNP sa mga susunod na buwan.
“Target po talaga natin na lahat ng ating personnel ay mabakunahan laban sa COVID-19. Magpapatuloy naman po ang pagdating ng mas marami pang supply ng bakuna sa mga susunod na buwan kaya’t nasisiguro kong magiging mabilis din ang pagbabakuna sa ating mga personnel,” saad ng PNP Chief.
Samantala, umapela rin ito sa mga pulis na huwag nang pumili ng vaccine brand na ituturok sa kanila.
“Huwag na po tayong mamili. Ang tanging piliin lang natin ay ang maging protektado. The best vaccines are the ones that are already available to us. Let us all contribute to attaining herd immunity for everyone’s safety,” paliwanag nito.