Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar sa mga kapwa-pulis na magsilbing mabuting halimbawa sa publiko lalo na sa pagsunod sa minimum public health safety standards laban sa COVID-19.
Kasunod ito ng kumalat na viral video kung saan naglalabas ng Ordinance Violation Receipts ang ilang pulis sa Quezon City dahil sa hindi pagsusuot ng face shield, gayung sila rin ay walang suot nito.
Ani Eleazar, ang mga pulis ang tagapagpatupad ng batas kaya dapat sila ang nangunguna sa pagsunod nito.
“How will civilians follow the rules and regulations or ordinances if our law enforcers do not?,” punto ng hepe ng PNP.
Dagdag nito, “Hindi nila seseryosohin ang mga regulasyong ipinatutupad natin kung tayo mismo, makikita nilang hindi naman sumusunod sa mga ito.”
Umapela naman si Eleazar ng pang-unawa sa publiko dahil kailangang maging istrikto ng mga pulis sa implementasyon ng minimum health safety standard protocol.
“Napakarami din kasing complaints ang ating mga kababayan na kapag nasa loob ng mall o passenger bus, may gamit ngang face shield pero itinataas naman o kaya tinatanggal kapag nasa loob na ng mall, passenger buses at iba pang establishments and I am sure marami sa ating mga kababayan ang nakakapansin nun,” ani Eleazar.
Saad pa nito, “Nauunawaan natin ang sentimyento ng kumuha at nag-upload ng video pero ibang usapan na rin kung hihiyain ang mga pulis at pagbuntunan ng galit. Sana maunawaan ng ating mga kababayan na hindi naman gawa-gawa lng ang mga ordinansa o batas tungkol sa minimum public health safety protocol, at sana maunawaan din nila na bilang mga alagad ng batas, mandato naming ipatupad ang mga ito.”
Ipinag-utos na ng hepe ng PNP sa Quezon City Police District na kumuha ng paliwanag mula sa Station 16 Commander kung bakit hindi nakasuot ng face shield ang kanilang mga tauhan.
Aniya, “Hindi natin makukuhang muli ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayan sa atin kung makikita nilang tayo pa ang nangunguna sa paglabag sa batas. Seryosohin natin ang pagpapatupad ng batas para sumunod din ang mga tao.”
“Hindi ko ito-tolerate kung ang mga pulis mismo ay lumalabag sa mga batas at hindi maayos ang pakikitungo sa ating mga kababayan pero hindi ko rin naman hahayaan na bastusin ninyo ng ganun-ganun na lang ang ating kapulisan,” dagdag pa nito.
Ipinaalala rin nito sa mga pulis na patuloy na mamahagi ng face masks at face shields sa mga taong wala nito.
Hinikayat din nito ang publiko na i-report sa pamamagitan ng iba’t ibang E-Sumbong platforms ang PNP personnel na hindi tumatalima sa minimum public health safety protocols.
“Huwag po kayong matakot na isumbong sa amin ang kanilang mga paglabag. Agad po kaming tutugon at pananagutin namin sila,” pagtitiyak ng PNP Chief.