Mga naghahahanap ng trabaho dapat libre sa COVID 19 swab test – Sen. Sonny Angara

Wala nang pambili ng pagkain, ano pa ang ipambabayad sa swab test?

Ito ang makahulugang tanong ni Sen. Sonny Angara kayat itinutulak niya na hindi na pagbayarin para sa swab test ang mga naghahanap ng trabaho.

Sabi nito, marami sa mga naghahanap ng trabaho ang hindi makasunod sa requirement ng pinag-aplayan na kompaniya na negatibong resulta sa kanilang swab test.

“For jobless breadwinners, it is choosing between two sacks of rice or a RT-PCR swab,” sabi ng senador patukoy sa  P3,500 – P5,000 halaga ng swab test.

Diin ng senador, napakalaking halaga na nito para sa mga halos wala ng makain kayat naghahanap nang mapapagkitaan at ito ay katumbas na ng kalahating buwan na suweldo ng minimum wage earners.

Bunga nito, naghain ng panukala si Angara para malibre sa swab test ang mga naghahanap o nag-aapply ng trabaho.

Sa kanyang panukala, sasagutin ng Philhealth ang halaga ng swab test at ang DOH, sa pakikipagtulungan sa DILG, DOLE at DTI  ang titiyak na walang ilalabas kahit anong halaga ang nais magkaroon ng trabaho.

Nakasaad din na magtatalaga ang testing centers ng slots para sa swab test ng mga naghahanap ng trabaho.

 

Read more...