Determinado ang Department of Justice na mapanagot si dating Senator Antonio Trilllanes IV sa kasong kudeta dahil sa 2003 Oakwood Mutiny.
Sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra hahanap pa sila ng mga legal na pamamaraan para mabaligtad ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na pinagtibay ang desisyon ng isang korte sa Makati City na hindi pagbigyan ang nais ng gobyerno na magpalabas ng warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes.
Tiwala si Guevarra na gagawa ng hakbang ang Office of the Solicitor General sa panininiwalang hindi sa CA magtatapos ang laban.
Nabatid na ang anumang desisyon na ibinaba ng CA ay maaring iapila sa Supreme Court base sa pagkuwestiyon sa batas.
Noong Mayo 31, nagdesisyon ang CA na ibasura ang petition for certiorari na inihain ng OSG bilang paghamon naman sa desisyon ni Makati RTC Judge Andres Soriano noong 2018.
Sa desisyon, kinilala ni Soriano ang pagbawi ni Pangulong Duterte sa naibigay na amnestiya kay Trillanes noong 2010, ngunit diin niya naibasura na ang kasong kudeta na isinampa laban sa dating senador noong 2011 kayat hindi na kailangan pang maglabas ng warrant of arrest.