May binabantayang low pressure area (LPA) ang PAGASA sa gitna ng West Philippine Sea sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sinabi ni PAGASA weather specialist Ariel Rojas na huling namataan ang LPA sa layong 680 kilometers Kanluran ng Laoag City dakong 3:00 ng hapon.
Kikilos aniya ang LPA papalapit sa Southern part ng China at sa Northern part ng Vietnam.
Maari aniyang maging bagyo ang LPA ngunit papalayo ito sa teritoryo ng bansa.
Samantala, nakakaapekto ang Monsoon trough at Southwest Monsoon o Habagat sa ilalim nito sa buong bansa.
Ipinaliwanag ni Rojas na ang Monsoon trough ay bahagi ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na nakadugtong sa monsoon system o low pressure systems.
Kadalasan aniyang pinagmumulan ito ng mga bagyo sa Western North Pacific mula Hunyo hanggang Setyembre.
Makararanas aniya ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog ang malaking bahagi ng Luzon, kasama ang Metro Manila, at maging ang buong Visayas at ilang parte ng Mindanao.
Maari aniyang maranasan ang katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan.
Bunsod nito, nagbabala ang PAGASA na posibleng magkaroon ng biglaang pagbaha o pagguho ng lupa.