Pangamba sa Smartmatic vote machines, mawawala sa personal digital signatures ng mga guro

Naniniwala si Senator Imee Marcos na wala ng maidadahilan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para maantala pa ang pagpaparehisto ng libu-libong public school teachers sa pagkakaroon ng personal digital signatures para sa 2022 national and local elections.

Sinabi ni Marcos na matagal na dapat naikasa ang personal digital signatures noon pang 2016 at 2019 elections.

Aniya, kung naipatupad na ito ay maaring wala na ang mga pangamba at pagdududa sa vote counting machines ng Smartmatic.

“May sarili bang pag-iisip ang mga makina? Mas pagtitiwalaan ko ang mga guro kaysa sa Smartmatic machines,” diin ni Marcos.

Ibinahagi ni Marcos na ang hard-copy requirements ng DICT sa mga guro ang nagpapatagal ng pagpaparehistro para sa personal digital signatures at aniya, nagawa na ng Department of Education o DepEd ang kanilang bahagi.

Sa mga nakalipas na eleksyon, nakasaad sa Omnibus Election Code na dapat ay pinipirmahan ng mga guro na nagsisilbi sa Board of Election Inspectors (BOI) ang election returns, ngunit dahil sa kawalan ng personal digital signatures ang machine digital signatures lang ang nagagamit.

Read more...