Ipinag-utos ni Philippine National Police Chief, Police General Guillermo Eleazar sa lahat ng pulis na maging alerto sa posibleng pag-atake ng New People’s Army (NPA) kasunod ng serye ng karahasan ang armadong komunistang grupo sa sa Bicol at Quezon.
“I have already ordered all police units and our personnel to be alert on possible NPA attacks in their respective AORs (Areas of Responsibility),” pahayag nito.
Inaasahan aniya niya na paiigtingin ng police commanders ang kanilang monitoring at intelligence-gathering laban sa komunistang grupo.
Ayon pa kay Eleazar, ang tatlong magkakahiwalay na pag-atake sa Masbate City, Legazpi City at Buenavista, Quezon ay malinaw na indikasyon na naglabas ng kautusan sa NPA na paigtingin ang pag-atake upang mapakita ang kanilang lakas kasabay ng pagsuko ng ilang komunistang rebelde at kanilang tagasuporta.
“Itong mga nangyaring ito ay indikasyon ng isang utos mula sa mataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF na palakasin ang kanilang pag-atake. Kaya dapat lang na maging handa tayo at always on a defensive mode to prevent any of their plan,” saad ng PNP Chief.
“Matinding dagok ang inabot ng CPP-NPA-NDF sa sunod-sunod na pagsuko ng kanilang mga kasamahan kaya inaasahan natin na palalakasin nila ang kanilang pag-atake para magkunwaring malakas pa rin sila,” dagdag nito.
Bahagi rin aniya ng kaniyang direktiba na siguraduhing aktibo ang police station defense plan lalo na sa mga lugar kung saan nag-ooperate ang CPP-NPA-NDF.
Dapat din aniyang makipag-ugnayan ang mga chief of police sa militar sa kanilang nasasakupan para sa dagdag-pwersa.