Ayon sa Center for Women’s Resources (CWR), mula 5,132 noong 2010 ay umakyat sa 9,875 ang naitalang rape cases noong 2014.
Nangangahulugan ito na ang isang babae o batang bata ay ginagahasa kada limampu’t-tatlong minuto.
Ibinunyag ng CWR na pito sa sampung biktima ng karahasan ay mga bata at ang paglabag sa Anti-Violence against Women and their Children Act ay tumaas ng 200 percent mula 2010 hanggang 2014.
Dahil dito ay naalarma ang CWR sa kontrobersyal na rape joke ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kaugnay ng pagpatay at paggahasa sa isang australian missionary noong 1989.
Sinabi ni CWR Executive Director Jojo Guan na ang pahayag ni Duterte na sana ay siya ang nauna sa ginahasa at pinatay na si Jacqueline Hamill ay hindi ang unang pagkakataon na ginawang biro ang rape.
Binatikos nito ang administrasyong Aquino dahil sa umano’y kabiguan kung saan walang makuhang hustisya ang mga biktima at hindi napapanagot ang mga nang-abuso.
Batay aniya sa government records, sa 9,445 reported rape cases, 59 percent lang ang naisampa sa korte.
Madalas na hindi nagsasampa ng kaso ang mga biktima dahil sa gastos at mabagal na proseso.
Bukod sa mababang porsyento ng rape cases na naisampa sa korte, ipinunto rin ng Center ang kahirapan at krisis na resulta ng implementasyon ng mga polisiya na anti-women at anti-poor na nagpalala sa kundisyon ng mga rape victims.