Sa pagdiriwang ng Pride Month sa taong 2021, nangako si Senator Leila de Lima na patuloy na makikipaglaban para sa karapatan at pantay na pagtingin sa mga miyembro ng LGBTQIA+ (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex and Asexual) community.
Kasabay ito ng kanyang pakikiisa sa LGBTQIA+ community, kabilang na sa mga miyembro ng Kapisanan ng LGBTQi+ sa Pilipinas (KULAY) sa pagdiriwang ng Pride Month sa buwan ng Hunyo.
“Sa makahulugang pagdiriwang na ito, nakikita natin ang matingkad na kontribusyon ng LGBTQIA+ sa lipunan, at kung paanong sa kabila ng pagsubok, nangingibabaw ang inyong di-natitinag na katatagan ng loob at lakas ng pagkakaisa,” dagdag pa niya.
Apela lang ni de Lima, ang pagrespeto sa mga miyembro ng LGBTQIA+ ay hindi lang dapat tuwing Pride Month para matiyak ang ligtas nilang pamumuhay sa lipunan.
Si de Lima ay co-author ni Sen. Risa Hontiveros ng Senate Bill No. 159 o ang SOGIE Bill, na layon ipagbawal ang diskriminasyon sa mga sinasabing iba ang sexual orientation, gender identity o expression.