Ikinagulat ng maraming senador ang pagkakaroon ng probisyon sa bicameral conference committee report sa panukalang modernisasyon sa Bureau of Fire Protection ang pagbibigay armas sa mga bumbero.
Ito ang dahilan kayat ang bicam report ay ibinasura sa Senado.
Sa pagkuwestiyon ng ilang senador, partikular na ni Minority Leader Frank Drilon, inamin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na isiningit lang ang probisyon at itinuro niya ang mga mambabatas mula sa Kamara.
Ayon naman kay Senador Richard Gordon dapat ay kinonsulta muna ni dela Rosa ang pamunuan ng Senado bago pinagbigyan ang hirit ng mga taga-Kamara.
Dahil nasa adjournment sine die ang Kongreso, kinakailangan na bumuo muli si House Speaker Allan Velasco ng bagong bicameral conference committee panel para muling pag-usapan ang kontrobersyal na probisyon.
Nang ilatag sa plenaryo ang panukala, walong senador ang pumabor, walo ang kontra at tatlo ang nag-abstain kasama na si Sen. Vicente Sotto III bunga nang pagkakasingit ng probisyon.