Si Archbishop Adolfo Tito Yllana ang bagong apostolic nuncio sa Israel at Cyprus matapos siyang italaga kahapon ni Pope Francis.
Bukod dito, ang Filipinong arsobispo din ang apostolic delegate sa Jerusalem at Palestine.
Bago ito, si Yllana ang apostolic nuncio sa Australia simula noon pang 2015 at pinalitan niya sa kanyang bagong posisyon si Archbishop Leopoldo Girelli, na itinalaga naman na sa India noon pang Marso.
Ang 73-anyos na arsobispo ay tubong Naga City at na-ordinahan na pari sa Archdiocese of Caceres noong Marso 1972.
Nagsimula siyang manilbihan bilang apostolic nuncio noong Disyembre 2001 nang italaga siya ni St. John Paul II sa Papua New Guinea at kasunod nito ay ginawa na siyang obispo sa St. Peter’s Basilica sa Rome noong Enero 2002.