Aurora Gov. Noveras, positibo sa COVID-19

Photo credit: Gov. Jerry Noveras/Facebook

Sa kabila ng pagiging bakunado, tinamaan pa rin si Aurora Governor Gerardo Noveras ng COVID-19.

“Ikinalulungkot ko pong ibalita sa inyo na ako ay nagpositibo sa RT-PCR na isinagawa noong ika-30 ng Mayo 2021,” pahayag ni Noveras sa kaniyang Facebook account.

Nanawagan ang gobernador sa lahat ng kaniyang nakasalamuha sa mga nagdaang araw na makipag-ugnayan para maiwasang lumala ang sitwasyon, lalo na kung nakararanas ng sintomas ng COVID-19.

Aniya, patunay na malaki ang naitutulong ng bakuna dahil maliban sa pananakit ng lalamunan, wala na siyang ibang nararamdamang sintomas.

“Kung hindi po ako marahil nabakunahan ay malaki ang posibilidad na mas malala ang epekto sa akin ng Covid-19, kaya sa mga natatakot at hindi pa handang tumanggap ng bakuna sana po ay magbago na ang inyong pananaw at kayo ay magpabakuna na rin,” dagdag nito.

Hinikayat nito ang publiko na patuloy na mag-ingat para sa sarili, mga mahal sa buhay at kapwa.

Payo ni Noveras, “Kung kayo ay mayroon ng nararamdamang sintomas ng Covid-19 ay huwag na kayong lumabas ng bahay at makisalamuha sa iba kahit na kapamilya. Kung kayo naman ay kawani ng Pamahalaan ipagbigay alam agad ninyo sa inyong Tanggapan upang kayo ay lumiban muna sa pagpasok.”

Nakakaalarma aniya ang pagdami ng kaso ng nakakahawang sakit sa lalawigan.

Ang pagsunod aniya sa mga ipinatutupad na polisiya ang magiging susi upang malabanan ang COVID-19.

Read more...