Nasa 94 porsyento nang tapos ang four-lane 30 kilometer expressway project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang naturang expressway ang magkokonekta sa Tarlac City, Tarlac hanggang Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, malapit nang magkaroon ng access ang publiko sa unang 18 kilometer section ng ₱11.811 Billion Central Luzon Link Expressway (CLLEX) Project na nasa ilalim ng loan agreement kasama ang Japan International Cooperation Agency (JICA).
Mula sa koneksyon ng SCTEX at TPLEX sa Balingcanaway, Tarlac City, nakumpleto na ang contract packages na sakop ang Tarlac Section at Rio Chico River Bridge Section na may habang 10.5 kilometers.
87 porsyento namang tapos ang konstruksyon ng 9.2 kilometers na Aliaga Section ng naturang expressway.
Mula sa 70 minuto, inaasahang mapapaigsi ng expressway project ang travel time sa pagitan ng Tarlac City at Cabanatuan City ng 20 minuto.
Oras na makumpleto ang CLLEX Project, magkakaroon ng mas mabilis, ligtas at komportableng biyahe ang mga motorista patungo sa Central Luzon.