Nakatulong ng malaki sa pagbuti ng internet service sa bansa ang roll-out ng mga telco infrastructures bunga na rin ng mas pinabilis na pagpapalabas ng mga lokal na pamahalaan ng permits para sa pagtatayo ng mga tower.
Batay sa Ookla Speedtest Global Index, ang fixed broadband speed ay umabot sa 58.73Mbps noong nakaraang buwan kumpara sa 49.31Mbps noong Abril.
Nagpakita ito ng 19.10 percent na monthly improvement sa download speed para sa fixed broadband at 642.50% improvement mula nang magsimula ang Duterte administration noong 2016.
Ang pagbuti ng fixed broadband speed sa bansa ay bunsod ng pagpapabuti ng mga telco sa kanilang fiber optic network kung saan umabot na sa 846,323 cable-kilometers ang nailatag sa buong bansa.
Ang Smart ang mayroong pinakamahabang nailatag na fiber optic na umabot sa 497,700 cable-kilometers, kasunod ng Converge – 260,030 cable-kilometers, Globe – 72,573 cable-kilometers at DITO – 16,020 cable-kilometers.
Noong 2019, umabot sa 384,341 cable-kilometers ng fiber network ang nailatag sa buong bansa, habang noong 2020, tumaas ito sa 726,705 cable-kilometers o katumbas ng 89% increase.
Ayon pa sa Ookla, bumuti din ang mobile speed noong Mayo dahil umabot sa 31.97Mbps ang naitalang download speed kumpara sa 29.12Mbps noong Abril.
Magugunita noong July 2020, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapabilis sa pag-iisyu ng permit ng LGUs sa pagtatayo ng mga tower kayat tumaas ng 294% ang nailabas na permits noong nakaraang taon kumpara noong 2019 at nagresulta ito sa pagpapatayo ng 4,337 towers.
Simula noong Enero hanggang nitong Abril, mayroon ng 2,789 permits ang naipalabas ng mga LGU para sa mga telco.
Sa ngayon, mayroon nang 24,614 cellular towers sa buong bansa.