Ginawa ito ng Malacañang upang mapawi ang agam-agam ng mga tao kasunod ng mga batikos na lumalabas laban sa Dengue Vaccination Program ng DOH.
Iginiit ni Presidential Communications Sec. Herminio Coloma Jr. na pasado sa lahat ng mga pamantayan ang ginagamit na bakuna ng DOH ngayon, kaya naman ito ay ligtas at mabisa.
Ani pa Coloma, kaya ito ipinatupad ng DOH ay para mabawasan na ang mga banta sa kalusugan dulot ng dengue, lalo na sa mga lugar kung saan may pinakamaraming kaso ang naitala.
Una na ring tiniyak ng World Health Organization (WHO) na ang bakunang ginagamit ng DOH ay sumusunod sa kanilang rekomendasyon.
Magugunitang sinimulan na ng DOH ang pagbibigay ng libreng bakuna sa mga Grade 4 students sa mga pampublikong paaralan sa mga lugar na may pinakamataas na kaso ng dengue.
Umani ito ng batikos noon dahil kinwestyon ng ilang doktor ang pagpapatupad nito kahit na wala pang rekomendasyon ang WHO, pero iginiit naman ng organisasyon na maari na itong gamitin kahit wala pa silang inilalabas na rekomendasyon.