PNP, hinikayat ang mga turista na tignan ang mga panuntunan sa pupuntahang destinasyon

PNP photo

Kasabay ng bahagyang pagpapaluwag sa domestic travel restrictions, hinikayat ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Guillermo Eleazar ang publiko na tignan ang mga panuntunan sa pupuntahang destinasyon.

Sinabi nito na may ilang local government unit na nagpapatupad ng sariling guidelines ukol sa pagtanggap ng mga turista.

“Payo ko po sa ating mga kababayan, alamin po natin muna ang mga panuntunan na ipinatutupad ng mga lokalidad na inyong balak puntahan dahil may mga pagkakataon na naghihigpit pa rin po sila sa mga turista at may mga karagdagang sariling regulations,” pahayag nito.

Ipinaalala rin ng hepe ng PNP ang patuloy na pagtalima sa minimum public health safety standards bilang pag-iingat laban sa COVID-19.

Hindi aniya dapat maging kampante ang publiko.

“Alam ko po na sabik tayo ngayong magbakasyon o maglibang dahil sa tagal ng pagkakakulong sa ating mga tahanan. Pero tandaan po natin na nariyan pa din po ang banta ng COVID-19. Dobleng pagiingat pa rin po ang ating gawin habang nasa labas ng ating mga bahay,” saad nito.

Tiniyak naman nito ang patuloy na pagpapatupad ng mga panuntunan ng pambansang pulisya mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at mga lokal na ordinansa.

Read more...