Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng hazard pay sa mga government personnel na pisikal na pumapasok sa kanilang trabaho habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Batay sa Administrative Order Number 43 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong June 1, 2021, nakasaad na hindi dapat lalampas sa P500 ang dapat na ibigay sa mga empleyado ng national government, Government Owned and Controlled Corporations at maging State Universities and Colleges (SUCs).
Kasama sa AO, ang mga regular, contractual o casual positions, maging ang mga contract of service (COS) at Job Order (JO).
Kailangan lamang matiyak na awtorisado ang pagpasok ng mga ito sa kanilang tanggapan at pasok sa official working hours habang umiiral ang ECQ at MECQ.
Para naman sa mga kawani ng local government units o barangay, ang kanilang Sanggunian ang magde-determina ng hazard pay na igagawad sa mga ito, at base sa kanilang financial capability. Ngunit hindi dapat lalampas ng P500.