Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na tatlo katao ang nasawi habang dalawa ang sugatan dahil sa pananalasa ng Tropical Storm Dante.
Maliban dito, sinabi ng NDRRMC na may isa pang nawawala.
Napaulat ang mga kaso sa bahagi ng Regions 11 at 12.
Sa Region 12 at BARMM, may naitalang dalawang insidente ng landslide, apat na pagbaha, isang flashflood, at isang flashflood at soil erosion.
Aabot naman sa 566 pamilya o 2,642 indibiduwal ang inilikas sa 18 barangay sa Regions 11 at 12.
Sa nasabing bilang, 158 pamilya o 604 katao ang pansamantalang nakatira sa 10 evacuation centers.
Samantala, 10 road sections at tatlong tulay ang naapektuhan ng bagyo sa bahagi ng Regions 7, 11, 12 at Caraga. Sa ngayon, hindi pa maaaring daanan ng mga motorista ang dalawang kalsada at tatlong tulay.
May tatlong lungsod at munisipalidad naman sa Region 8 at Caraga ang nakaranas ng power interruption noong Lunes, June 1.
Sinabi pa ng NDRRMC na apat na bahay ang napaulat na nasawi sa Region 11 kung saan dalawa ang totally damaged habang dalawa ang partially damaged.
Batay sa severe weather bulletin ng PAGASA bandang 2:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng bagyo sa karagatang sakop ng Pola, Oriental Mindoro o sa 45 kilometers Silangan Timog-Silangan ng Calapan City dakong 1:00 ng hapon.
Sinabi ng weather bureau na inaasahang magkakaroon ng isa pang landfall ang bagyo sa Bataan, Miyerkules ng gabi.