Malakas na pag-ulan magpapatuloy sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas; bagyong Dante inaasahan na tatama sa kalupaan ng Bataan

PCG PHOTO

Patuloy na makakaranas ng hanggang matinding pag-ulan ang ilang lalawigan sa Luzon at Visayas dahil sa epekto ng bagyong Dante.

Sa update ng PAGASA kaninang alas-11 ng tanghali, ang malalakas na pag-ulan ay bubuhos sa Calabarzon, Romblon, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Zambales at Bataan sa Luzon.

Gayundin sa Aklan, Antique, Capiz, Iloilo at Guimaras sa Visayas.

Sa pagtataya ng PAGASA muling tatama sa kalupaan, sa ika-anim na beses ang bagyo, sa Bataan mamayang gabi.

Una itong nag-landfall sa Sulat, Eastern Samar alas-8:30 kagabi, bago tumama sa Cataingan, Masbate ala-1 ng madaling araw kanina.

Pagkatapos nito ay tatlong beses pa itong nag-landfall, sa Balud, Masbate; Romblon, Romblon; at San Agustin, Romblon.

Napa-ulat na dahil sa epekto ng pang-apat na bagyo na pumasok sa bansa ngayon taon, may tatlo ng nasawi at isa pa ang nawawala sa Mindanao.

Ito ay kumikilos sa bilis na 25 kilometro kada oras taglay ang lakas ng hangin na 65 kilometro kada oras at bugso na aabot sa 90 kilometro kada oras.

Bukas ay inaasahan na hihina ito ay magiging tropical depression na lang matapos dumaan sa Zambales at Pangasinan bago tuluyang malulusaw sa West Philippine Sea.

Read more...