Isang hakbang na lamang ang kinakailangan sa Kamara at makakalusot na ang panukalang tumaas sa P1,000 ang buwanang pension na natatanggap ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.
Sinabi ni Senior Citizen partylist Rep. Rodolfo Ordanes naaprubahan na kagabi sa second reading sa Mababang Kapulungan ang isinusulong niya na dagdag P500 sa pension ng mga mahihirap na nakakatanda.
Tiwala na ito na kapag umabot na sa Senado ang panukala ay agad din itong makakalusot dahil naghain ng kahalintulad na panukala si Senate President Vicente Sotto III.
Aniya kapag naging ganap na batas higit tatlong milyong senior citizens ang makikinabang.
Pag-amin naman ni Ordanes na maliit na halaga na maituturing ang karagdagang P500 para sa maayos na pamumuhay ng mga nakakatanda, na marami ay hindi na rin magawang kumita dahil sa kanilang edad.
“Ang inyong lingkod na kinatawan ng Senior Citizen Partylist ay ilang buwan na buong pusong inilaban ang pagtaas ng social pension ng ating mga senior,” sabi pa ng namumuno sa House Special Committee on Senior Citizens.
Nabanggit din ng mambabatas na dahil sa kanyang pagpupursige ay mas napadali na ang pagkakaroon ng social pension ng mga nakakatanda.
“Ngayon po, kinakailangan lang na mapatunayan ng isang senior citizen na wala silang permanenteng napagkukuhanan ng ikabubuhay at magiging kuwalipikado na sila sa social pension,” dagdag pa ni Ordanes.
Kayat, ayon pa sa mambabatas, maaring madagdagan pa ang bilang ng mga pensiyonadong nakakatanda sa bansa dahil sa pinadaling kuwalipikasyon.