Sinisingil na muli ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Health at Inter-Agency Task Force (IATF) sa pangako na magkakasa ng 90,000 COVID 19 tests kada araw.
Ayon kay Hontiveros, noong nakaraang Marso 30, sinabi ni testing czar Vince Dizon na tinatarget ng gobyerno ang 90,000 daily tests.
Ngunit sinabi ng senadora, noong nakaraang buwan ang daily testing average ay 42,866 lamang.
Binanggit din ni Hontiveros na sa ngayon at base na rin sa datos mula sa DOH ang positivity rate sa bansa ay 11.7%, na mataas na 5% threshold na itinakda naman ng World Health Organization (WHO).
“Yung mga targets ba ay talagang inaabot o pinapangarap lang? Nakakahiya na sa taumbayan. Alam naman ng IATF ang bilang ng tests na dapat magawa, pero bakit hindi nila tinototoo? Kung nagkaroon sila ng isang salita, naagapan sana ang matinding pagtaas ngayon ng mga kaso ng COVID sa ating mga probinsya,” sabi pa nito.
Ginawa ni Hontiveros ang pahayag ukol sa bilang ng naisasagawang COVID 19 test dahil sa tumataas na bilang ng mga kaso sa 11 rehiyon sa bansa.