Seafarers, OFWs ginawang prayoridad sa ‘Western’ COVID-19 vaccines, utos ni Pangulong Duterte

Inatasan na ni Pangulong Duterte si vaccine czar Carlito Galvez Jr. na gawing prayoridad ang mga seafarers at overseas Filipino workers na maturukan ng bakuna kontra COVID-19 na mula sa Western countries.

Pahayag ito ng Palasyo matapos hilingin ng mga seafarers at OFW na maturukansila  ng bakunang gawa ng Pfizer dahil requirement ng kanilang mga employer.

“Inatasan naman po ng Pangulo ang ating vaccine czar na bigyan-prayoridad ang mga seafarers at OFWs sa western vaccine brands. Sabi nga po ni Presidente, hindi naman po iyan pagiging pihikan dahil ang ibibigay na western brands ay isang requirement para makabalik sa hanapbuhay ang ating mga seafarers, ” pahayag ni Presidential spokesman Harry Roque.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi dapat na maging mapili ang publiko sa brand ng bakuna lalo’t limitado pa ang supply.

Bago pa ito, sinabi ng Punong Ehekutibo na iturok ang Pfizer vaccines sa mga mahihirap na Filipino.

Read more...