Malakanyang sa mga kritiko: Itigil na ang pagiging utak talangka

Umapila ang Malakanyang sa mga kritiko na tigilan na ang mga pambabatikos sa ginagawang pagbabakuna kontra COVID-19.

Pahayag ito ng Palasyo matapos punahin ang pagmamalaki ng gobyerno na nasa Top 5 ang Pilipinas sa Southeast Asia na may pinakamaraming bilang ng mga nabakunahan pero kung sa porsiyento ng populasyon naman ang pagbabasehan ay nangungulelat ang bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi na dapat na maging utak talangka ang mga kritiko.

Tiyak din naman kasi aniyang dadami ang mga babakunahan sa mga susunod na araw dahil parating na ang malaking bulto ng bakuna.

Apila pa ni Roque sa mga kritiko, huwag naman sanang ipagdasal na pumalpak o mabigo ang vaccination plan dahil nakasalalay ang buhay ng tao.

Sa ngayon, mahigit walong milyong doses na ng bakuna ang nakukuha ng Pilipinas.

Sa June 11, 2.2 million doses ng Pfizer ang inaasahang darating sa bansa.

Read more...