Pinaalahanan ni Senate Minority Leader Frank Drilon ang mga opisyal ng barangay na hindi sila maaring pumasok sa partisan politics.
Ginawa ito ni Drilon nang kumalat sa social media ang sulat diumano ng isang barangay chairman sa mga residente ng Barangay Pagala sa Baliuag, Bulacan at tinanong kung susuportahan nila ang kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Binanggit ng senador na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code at Local Government Code ang pakikilahok ng barangay officials sa partisan politics.
“They cannot campaign or endorse the candidacy of any person. More so, they cannot use the resources of the barangays for political activities. That is a violation of the law,” ayon pa sa senador.
Paalala pa niya ang barangay, maging ang Sangguniang Kabataan ay itinuturing na ‘non partisan in nature and practice.’
Umapila din si Drilon sa mga lokal na opisyal na huwag gamitin ang mga barangay para makakuha ng ‘pogi points’ para maisulong ang kanilang pansariling interes pang-politikal.
“Huwag na po nating gamitin ang barangays sa pulitika. Huwag nating bigyan ng kulay ang barangay. Let them remain apolitical,” ang panghihikayat ng senador.