Isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Legazpi City at Daraga sa Albay, Bicol.
Sa Executive Order no. 14 na pirmado ni Albay Governor Al Francis Bichara, ito ay matapos makapagtala sa Legazpi City at Daraga ng highest COVID-19 cases sa naturang probinsya.
Epektibo ang GCQ sa nasabing dalawang bayan sa loob ng 15 araw.
Sa ilalim nito, magiging limitado ang galaw ng mga tao maliban na lamang kung kailangang bumili ng mga pangunahing pagkain at serbisyo.
Dapat manatili sa tahanan ng mga may edad 18 pababa at 65 pataas, may comorbidities at buntis kung hindi kailangang lumabas.
Papayagan ang 50-percent on-site capacity at 50 porsyento sa work-from-home ng mga establisyemento, negosyo, opisina, maging pampubliko o pribado man.
Aabot sa 30 porsyento naman ang papayagan sa mga religious gathering, necrological service at pagbisita sa memorial parks, kabilang ang operasyon ng lahat ng tourist destinations sa lugar.
Patuloy ding ipatutupad ang curfew.
Mananatili naman sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang nalalabi pang local government unit sa Albay.