Inabot muna ng anim na oras na pagpapalitan ng mga putok bago bumagsak sa kamay ng military ang kilabot na ‘Bungay Brothers’ sa Pikit, North Cotabato.
Sinabi ni BGen. Roberto Capulong, commander ng Army 602nd Infantry Brigade, nahuli nila sina Montukan Bungay at Walo Bungay sa Barangay Bualan.
Aniya ang dalawa ay kilalang namumuno ng isang kilabot na armed lawless group (ALG) at kabilang sa most wanted persons sa Region 12 (Soccsksargen).
Ang magkapatid ay may mga warrants of arrest para sa mga kasong robbery with homicide, murder at frustrated murder.
Dagdag pa ni Capulong tumakas ang magkapatid nang isisilbi ang warrant at nagkaroon ng anim na oras na running gunbattle bago sila nasukol.
Nakuha sa mga naaresto ang dalawang Armalite rifles, isang .45 pistol at ibat-ibang mga bala at dinala na sila sa Cotabato Provincial Police Office sa Kidapawan, Cotabato.