‘Waterfalls policy’ sa vaccination rollout inihirit ni Sen. Francis Tolentino

Hinikayat ni Senator Francis Tolentino ang Inter-Agency Task Force (IATF) na ipatupad ang ‘Waterfalls policy’ para mapabilis ang vaccination rollout sa bansa.

Ipinaliwanag ni Tolentino na sa ‘Waterfalls policy’ ibibigay sa iba ang reserved vacccines na para sa mga A2 at A3 priority lists na ayaw munang magpabakuna.

Sinabi nito na mas marami ang may gustong mabakunahan na sa mga nagdadalawang-isip pa at binanggit niya ang nasa uniformed service, na maituturing na frontliners din.

Dagdag pa ni Tolentino maraming pulis, sundalo, bumbero at Philippine Coast Guard Personnel ang tinamaan na rin ng COVID 19 sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.

“Meron tinatawag na waterfalls policy, pababa yung cascading nito, kapag ayaw ng A3 bigay sa A4, kapag ayaw ng A4 bigay sa A5, kapag ayaw ng A5 bigay sa B1 palagay ko ubos lahat yan. Ang balanse po natin ay nasa 107,000 na lang na vaccine, itong bilang na ito baka 53,000 Filipinos lang yan, isang probinsya lang yan ubos po yan,” paliwanag pa ng senador.

Binanggit din nito ang matinding pangangailangan na palawigin ang information campaign ukol sa bakuna para mahikayat ang mga Filipino na magpaturok na ng proteksyon laban sa nakakamatay na sakit.

 

Read more...