San Jose del Monte City PNP, pinarangalan kaugnay sa mabilis na pagresolba sa pagpatay sa dalawang bata

Binigyan ng pagkilala ng lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte City, Bulacan ang pulisya na nakatalaga sa kanilang lungsod.

Ito ay kasunod ng mabilisang pagkaresolba sa kasong pagpatay sa dalawang bata kung saan ang isa ay ginahasa pa.

Sa isang simpleng seremonya, personal na inabot nina San Jose del Monte City Mayor Arthur Robes at San Jose del Monte City Rep. Rida Robes ang sertipiko ng pagkilala sa pulisya sa pangunguna ng hepe nito na si Police Major Julius Alvaro.

Ayon kay Mayor Robes, marapat lamang na kilalanin ang ginawa ng pulisya sa kanilang lungsod.

Sa mabilis na aksyon aniya ng pulisya ay lalong nagiging kumpyansa ang publiko sa kanila.

Sinabi naman ni Rep. Robes na dahil sa tiwala ng publiko sa pulisya ay nakipagtulungan ang mga ito kaya naaresto ang mag-amain na responsable sa krimen.

Nagpasalamat naman si Alvaro sa mag-asawang Robes at sa lokal na pamahalaan dahil sa pagkilala iginawad sa kanila.

Matatandaang natagpuang patay ang isang walong taong gulang na batang lalaki at 12-anyos na babae sa madamong bahagi ng Barangay Graceville ng nasabing lungsod na wala ng buhay bago magtanghali ng May 12.

Nagbigay ng P100,000 na pabuya si Mayor Robes para agad maresolba ang krimen at makalipas ang isang araw ay kaagad naaresto ang mag-amain na suspek kung saan menor de edad pa ang isa.

Read more...