Naghain ng panukalang batas si Senator Sherwin Gatchalian para maisama sa mga naituturo sa junior at senior high schools ang drug abuse prevention program.
Co-author ni Gatchalian sa Senate Bill No. 2236 o ang Drug Abuse Prevention Program in Basic Education Act si Senate President Vicente Sotto III.
Paliwanag niya, layon ng panukalang batas na maisama ang naturang programa sa Health subject sa Grades 7 – 10 at sa Physical Education and Health subject na itinuturo sa Grades 11 at sa Personal Development subject sa Grade 12.
Aniya, ang maisasama sa pagtuturo ay ang epekto ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot, ang mga paraan para makaiwas sa droga, health, socio-cultural psychological, legal and economic dimensions ng problema sa droga sa lipunan.
Gayundin aniya ang mga maling paniniwala sa paggamit ng mga droga.
Dahil aniya sa pandemya, marami ang nawalan ng trabaho kayat marami sa mga kabataan ang maaring masangkot sa droga.
“Kaya nais natin bigyan ang ating mga kabataan ng sapat na edukasyon upang hindi masira ang kanilang mga buhay,” sabi pa ni Gatchalian.
Base sa datos mula sa Dangerous Drugs Board, sa taong 2017 at 2018, 27.32 porsyento at 28.14 porsyento ng populasyon na gumamit ng droga ay nakatuntong sa high school.