Sinabi ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian na napapanahon at tamang hakbang ang pagpasa sa Senado ng panukala na magpapalakas sa kampaniya laban sa online sexual abuse and exploitation of children.
Magugunita na ibinunyag ni Gatchalian ang mga ulat ng ‘online Christmas sex sale,’ ang pagbebenta ng malalaswang larawan at videos ng mga kabataang babae para may maipambili ng kanilang mga pangangailan sa distance learning.
Sinabi ng senador ang anti-OSAEC bill ay ayon din sa isinusulong niyang Senate Bill No. 1794 na magpapatibay naman sa RA 9208 o ang Anti Trafficking Persons Act of 2003.
Paliwanag niya nilinaw sa dalawang panukala ang responsibilidad ng internet service providers (ISPs) sa pag-uulat ng mga kaso ng online child abuse and exploitation, ang pagpigil sa pagkalat online ng malalaswang materyales at ang pag-preserba ng mga ebidensiya na magagamit sa pagsasampa ng mga kaso.
“Bago pa tumama ang pandemya sa ating bansa ay talamak na ang paggamit sa internet upang abusuhin ang ating kabataan, ngunit nakita nating mas tumindi ang panganib na kinakaharap ng ating mga kabataan dahil sa mga lockdown. Napapanahon na upang wakasan natin ang karumal-dumal na mga krimeng ito at itaguyod ang mas ligtas na internet para sa ating mga kabataan,” sabi ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education.
Nabanggit ni Gatchalian ang ulat ng Office of Cybercrime ng DOJ na noong nakaraang taon, nakatanggap ang opisina ng higit 1.29 milyon ulat ukol sa suspected OSAEC cases at halos tatlong beses na mas mataas sa napaulat na 426,000 noong 2019.