Isa hanggang tatlong bagyo, posibleng pumasok sa bansa sa Hunyo – PAGASA

DOST PAGASA Facebook photo

Inihayag ng PAGASA ang bilang ng bagyo na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa susunod na buwan.

Ayon kay PAGASA weather specialist Ariel Rojas, base sa forecast ng climate monitoring section, maaaring isa hanggang tatlong bagyo ang pumasok sa teritoryo ng bansa sa Hunyo.

Base naman sa climatological tracks mula 1948 hanggang 2017, may dalawang scenario na nakikita ang weather bureau.

Una rito ang pagtama sa lupa sa gitnang bahagi ng bansa patawid sa West Philippine Sea. Pangalawa naman ang hindi pagtama sa lupa at nasa Philippine Sea lamang dahil liliko ang bagyo babalik sa Pacific Ocean o patungo sa Japan.

Ani Rojas, nagsisilbi lamang itong gabay upang magkaroon ng ideya sa posibleng magiging epekto ng mga paparating na bagyo.

Ngunit, hindi inaalis ng weather bureau na may sariling pagkilos ang mga sama ng panahon.

Sakaling tatlo ang pumasok na bagyo sa bansa sa Hunyo, papangalanan itong “Dante,” “Emong,” at “Fabian”.

Read more...