‘Pumili ng disenteng lider’ – Obispo

 

Mula sa inquirer.net

Ipinaubaya ng apat na opisyal ng Simbahang Katoliko sa mga mamamayan at botante ang paghuhusga kung karapatdapat nga bang iboto at ihalal bilang pangulo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Ito’y kasunod ng kaniyang biro tungkol sa Australian lay missionary na si Jacqueline Hamill na ginahasa at pinatay noong 1989.

Sa isang campaign rally, binanggit ni Duterte ang nangyari noon kay Jacqueline Hamill at kung paano ito pinilahan ng mga preso para gahasain, saka niya sinmabing dapat nauna ang mayor.

Bilang tulong sa mga botante sa pagde-desisyon, ipinost ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) head at Lingayen Archbishop Socrates Villegas ang naging viral na video kung saan binitiwan ni Duterte ang mga birong ito.

Hindi inilahad ni Villegas ang kaniyang opinyon ukol dito, bagkus ay hinayaan na niya sa kamay ng mga tao ang panghuhusga sa tulong ng nasabing video.

Pinayuhan naman ni Cebu Archbishop Jose Palma, ang mga Pilipino na ihalal ang lider na disenteng maihaharap sa mga pinuno ng ibang mga bansa.

Ikinabahala ni Palma ito dahil paano na aniya kung umabot ang hindi magandang biro ni Duterte sa iba’t ibang panig ng mundo, at tinanong ang mga tao kung makakampante ba tayo sa ganoong uri ng tao.

Tulad ni Villegas, hinikayat rin ni Retired Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez ang mga tao na panoorin ang nasabing video upang makapagdesisyon sila kung sino ba talaga ang dapat iboto.

Binatikos naman at tinawag na bastos ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang alkalde.

Ayon kay Cruz, hindi niya masasabi na masamang tao si Duterte, ngunit nakatitiyak siyang hindi nabibilang ang alkalde sa mga taong may tamang pag-uugali.

Samantala, nag-tweet rin si Australian Ambassador Amanda Gorely tungkol dito at sinabi na ang panggagahasa at pagpatay ay hindi kailanman ginagawang tampulan ng biruan.

Una nang nanawagan si Villegas sa mga tao upang pag-isipan nang maigi kung sino ang nais nilang mamuno ng bansa.

Read more...