Sen. Bong Go itinuro ang LGUs sa delay sa pagsasalang sa local hospital bills

Nagbigay paliwanag si Senator Christopher Go sa alegasyon na ‘inupuan’ ng pinamumunuan niyang Committee on Health na local hospital bills.

Sinabi ni Go na pinagsumite niya ng mga dokumento ang mga kinauukulang local government units (LGUs) para suportahan ang mga panukala.

Ngunit aniya marami sa LGUs ang hindi nakasunod at katuwiran niya ayaw naman niyang ilatag sa plenaryo ang mga panukala ng walang maipiprisintang mga dokumento.

“Hindi ko naman masisisi ang LGUs kung kinailangan rin nila ng mas mahabang panahon para pag-aralan at magsumite nito, lalo na’t nasa gitna tayo ng pandemya at maraming hinaharap na pagsubok ang mga LGUs ngayon,” sabi pa ni Go.

Iginiit pa niya na ang mga agad nakapagsumite ng mga dokumento ay agad naman niyang inisponsoran sa plenaryo para maisabatas.

“Pruweba ito na wala akong inuupuan na mahalagang mga panukala. Sinusunod ko lang ang proseso at inaaksyunan ko ang mga ito agad,” giit pa niya.

Samantala, sinabi din ni Go na pinasalamatan niya si Minority Leader Frank Drilon nang sabihin nito na tutulong siya para maipasa ang mga nakabinbing local hospital bills.

Magugunita na nagkaroon ng diskusyon ang dalawang senador sa mga panukala na hiniling ni Go na maipasa para agad mabigyan tulong ang mga lokal na ospital para na rin sa kapakinabangan ng mamamayan.

Read more...