Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na dahil sa kakulangan ng sapat na panahon malabo nang matalakay pa ng mga senador ang isinusulong sa Mababang Kapulungan na pag-amyenda sa ilang nilalaman ng Saligang Batas.
Katuwiran pa ni Sotto may mga panukala na para sa pagpapabuti ng ekonomiya ng bansa at sinertipikahan na urgent ng Malakanyang ang tinatalakay na sa kasalukuyan.
Ayon kay Sotto may limang session days na lamang ang natitira bago ang sine die adjournment ng Kongreso.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Frank Drilon sa kanyang palagay, hindi susuportahan ng mayorya sa kanila ang pag-amyenda sa Konstitusyon sa ngayon dahil hindi man lang ito napag-usapan sa LEDAC meeting kahapon kayat nangangahulugan na hindi ito prayoridad.
Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson, hindi pa kinukuwestiyon ang pagkakaroon ng sapat na panahon dahil aniya ang dapat munang resolbahin ay ang paraan ng pagboto sa mga mambabatas para umusad ang mga hakbang para sa Charget change sa Senado.
Sinegundahan naman ni Sen. Grace Poe ang sinabi ni Sotto na may tinatalakay ng mga panukala na papabor sa ekonomiya tulad na lang ng pag-amyenda sa Public Service Act na magpapaluwag sa foreign ownership ng mga negosyo sa bansa.