Sa botong 44 – 0, ibinasura na ng House Committee on Justice ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Ang 44 votes ay pumabor sa pagbasura sa reklamo dahil sa insufficiency of form and substance ng reklamo ni Edwin Cordevilla, ang secretary general ng Filipino League of Advocates for Good Government.
Sa pagdinig ay nakuwestiyon na ‘photocopies’ lang ang mga isinumiteng dokumento para suportahan ang reklamo kayat maituturing lang na ‘hearsay’ ang mga alegasyon dahil sa kawalan ng ‘personal knowledge.’
Sinabi ni Senior Deputy Speaker Salvador Leachin na maituturing na ‘unsigned pleading’ o ‘scratch paper’ lang ang reklamo dahil ibinase lang ito sa mga naglabasang ulat sa pahayagan.
Ayon naman kay Deputy Minorit Leader Carlos Isagani Zarate, ‘sabi-sabi’ lang ang pinagbasehan ng reklamo.
Upang maideklarang sufficient in form ang reklamo dapat ay may personal knowledge ang nagreklamo at dapat din nan a-verify at naendorso ng isang mambabatas.
Magugunita na betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution ang reklamo kay Leonen dahil sa hindi diumano pagsusumite ng SALN at pag-upo sa mga kaso sa pinamumunuan niyang dibisyon sa Korte Suprema, maging sa mga electoral protests sa HRET.
Nag-inhibit naman sa pagdinig sina Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun sa katuwiran na miyembro siya ng HRET, samantalang may nakabinbin na electoral protest laban kay Marikina City Rep. Stella Quimbo.
Tumagal lang ng dalawang oras ang diskusyon at botohan sa impeachment complaint laban kay Leonen.