Nasa 97 porsyento na ng health workers sa Metro Manila na itinuturing an epicenter ng pandemya ang naturukan na ng bakuna kontra COVID-19.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na 85 percent naman ng health workers sa buong bansa ang nabakunahan.
Ayon kay Cabotaje, ang nalalabing 15 percent na hindi nababakunahan pa ay barangay health workers at mga miyembro ng barangay health response team sa mga probinsya at rehiyon na nag-aatubili pang magpabakuna.
Dahil dito, sinabi ni Cabotaje na kailangan pang pag-ibayuhin ng kanilang hanay ang paghikayat sa barangay health workers na magpabakuna na.
“Ang sa NCR po, 97% na ang ating A1. Ang karamihan po iyong mga nasa probinsiya, kailangan natin pong hikayatin iyong ating mga barangay health workers, iyong ating mga members ng ating Barangay Health Emergency Response Team, medyo nag-aatubili pa sila. So kailangan talagang kumbinsihin, these are mostly in the provinces and in the regions,” pahayag ni Cabotaje.
Ayon kay Cabotaje, sa pinakahuling talaan, nasa 1,340,337 na ang nabakunahang health workers na nasa A1 priority list.
Sa naturing bilang, 581,797 na ang nakumpleto na ang kanilang dalawang doses ng bakuna.