Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa Department of Information and Technology (DICT) na ipaayos sa Dito Telecommunity ang kanilang serbisyo bunsod ng mga reklamo sa kanilang pangit na serbisyo.
Dagdag ni Hontiveros, dapat agad na ipawalang-bisa ng DICT ang P25.7-billion performance bond ng Dito kung hindi nila maaayos ang kanilang serbisyo at matutugunan ang mga reklamo.
Ipinaalala pa nito ang pangako ng Dito na agad gaganda ang kompetisyon kung papayagan silang makilala bilang third major telco sa bansa.
“Mayroon pa silang sinasabi na ‘near Singapore’ daw na internet speed. Nasaang banda na yan ngayon? Sa dami ng reklamo tungkol sa kanila ngayon parang mas nabigyan lang ng sakit ng ulo ang mga Pilipino,” dagdag pa ni Hontiveros.
Binanggit din nito ang pangako ng Dito na magbibigay ng 27Mbps na internet speed sa loob ng unang taon ng kanilang serbisyo, bukod pa sa 55Mbps na internet speed para sa 84 porsiyento ng populasyon ng bansa sa loob ng limang taon.
“Dapat i-monitor ito ng DICT at igiit sa Dito na ayusin kaagad ang kanilang serbisyo. Masyado naman yata silang pinagbibigyan. If it cannot step up, the government can very well claim the billions of pesos in performance bond when we want. That money may be better off used for our health and economic needs in this pandemic,” Hontiveros said.
Nitong mga nakalipas na araw, binaha ng reklamo mula sa kanilang subscribers ang social media account ng Dito dahil sa pangit na serbisyo.
Magugunita na ‘no’ ang naging boto ni Hontiveros nang isalang sa Senado ang renewal ng franchise application ng Dito.