Pagdinig ng Kamara sa reklamong impeachment laban kay Supreme Court Associate Justice Leonen simula na bukas

Magsisimula na ng pagdinig ang House Committee on Justice para sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.

Ayon kay Rizal Rep. Juan Fidel Nograles, vice chairman ng komite, hindi pa ipatatawag sina Leonen at ang complainant na si Edwin Cordevilla, secretary general of Filipino League of Advocates for Good Government.

Bagkus ayon kay Nograles, maglalatag muna sila ng mga rules gayundin aalamin kung sufficient in form and substance ang reklamo.

Betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution ang binanggit na grounds ni Cordevilla sa kanyang reklamo laban kay Leonen.

Nag-ugat ito sa hindi umano paghahain ng Statement of Assets Liability and Net Worth ng mahistrado ng 15 ulit noong siya sa propesor pa sa University of the Philippines-College of Law.

Nakasaad pa sa reklamo ang pag-upo ni Leonen sa 37 kaso nasa kanyang dibisyon gayundin ang 32 election protest na nakahain sa nasa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).

Sinabi ni Nograles na pag-aaralang mabuti ng kanilang komite ang reklamo at mga ebidensyang isusumite sa kanila.

Sa huli anya ay magpapasya sila base sa mga ebidensya na ilalahad ng magkabilang kampo.

Makaasa anya si Justice Leonen na magiging patas sila sa gagawing pagpapasya sa reklamong impeachment laban dito.

Kapag napatunayang guilty sa mga ibinibintang sa kanya sa komite, iaakyat ang report sa plenaryo ng Kamara upang doon pagdebatehan at pagbotohan pero kapag hindi nakakuha ng sapat na boto sa Committee on Justice hindi na ito dadalhin pa sa plenaryo.

Dahil malapit na ang adjourn sine die ang Kongreso magkakaroon anya sila ng mga pagdinig kahit wala silang sesyon.

Sabi ni Nograles, target nila na makapaglabas ng committee report hanggang Setyembre o Oktubre ng kasalukuyang taon.

Iginiit naman ni Nograles na ang kanilang gagawing pagdinig sa komite sa impeachment laban kay Leonen ay hindi makakaapekto sa mga trabaho ng Kamara  lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Disyembre ng nakalipas na taon inihain ang reklamong impeachment laban kay Leonen pero napunta lamang sa komite noong nakalipas na linggo.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ang may mandato upang dinggin ang impeachment complaint laban sa mga impeachable official tulad ng mga mahistrado ng Korte Suprema.

 

Read more...