Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nagbibigay ng permanenteng bisa sa live birth, marriage, at death certificates.
Sa viva voce voting, inaprubahan ang House Bill 9175 o ang Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death and Marriage Act.
Sa ilalim ng panukala ay magiging permanente na ang bisa ng Certificates of Live Birth, Death, at Marriage na inisyu, nilagdaan, sinertipikahan at pinatotohanan ng mga tanggapan ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Local Civil Registry Offices.
Hindi na kakailanganin ng isang aplikante o indibidwal na kumuha pa ng updated na certification ng live birth, death, o marriage kung mayroon namang malinaw na kopya nito.
Layon din ng panukala na mabawasan na ang gastos sa madalas na pagkuha ng mga nabanggit na certificates at para hindi na rin mahirapan sa pagkuha nito ang mga nasa malalayong lugar.
Sa ngayon ay maraming ahensya ng pamahalaan at mga employers ang humihingi sa mga aplikante ng mga sertipikasyon mula sa PSA na naka-imprenta sa mga bagong security paper (SECPA) na inisyu nang hindi lalagpas sa anim na buwan.