‘Walang plastikan’ community pantry, inilunsad sa Maynila

Inilunsad ng Earth Island Institute Philippines ang isang ‘walang plastikan’ community pantry sa Matimyas at Basilio Streets sa Sampaloc, Maynila na nagtataguyod ng hindi paggamit ng plastic.

Ayon kay Trixie Concepcion, Regional Director ng Earth Island Institute Asia Pacific, layunin ng kanilang grupo na mabawasan ang paggamit ng plastic lalo na ngayong panahon ng pandemya sa COVID-19.

Namigay ang grupo ng ecobag kasama ang gulay at iba pang pagkain kapalit ng kanilang mga dalang plastic bag.

Sinabi ni Concepcion, bago ang pandemya, nasa walong toneladang basura o marine plastic pollution ang nakukuha kada taon.

Pero mas nakababahala aniya nang magkaroon ng pandemya dahil pumalo na sa 129 bilyong face mask at 65 bilyong gloves ang nakukuhang basura kada buwan.

Tambak din aniya ang basura na mga gamit na personal protective equipment, plastic face shields at iba pa.

Mag iikot anya ang kanilang grupo sa iba pang community pantry para hikayatin ang mga organizer na gumamit ng ecobag sa halip na plastic bag.

Pinabulaanan din ng grupo ang pahayag ng iba na mas naging kaunti ang basura dahil sa pandemya.

Wala rin anyang katotohanan ang naturang impormasyon dahil dumami pa ang basura dahil sa mga ppe, face masks, face shields at iba pa.

Nabahala ang grupo sa  ulat sa Palawan kung saan nakuha sa tiyan ng isda ang mga plastic bag at iba pang basura.

Patunay lamang anya ito na malala na ang marine plastic pollution sa bansa.

Read more...