Ayaw nang maulit ni PNP Chief Guillermo Eleazar ang nangyaring swimming party at kaliwa’t kanan na inuman kasabay ng pagdiriwang ng piyesta sa isang barangay sa Quezon City.
Bunga nito, mahigpit na ipinagbilin ni Eleazar sa lahat ng police units na talasan ang kanilang pang-amoy at paningin sa mga party at pagtitipon na maaring maging ugat ng pagkalat ng COVID 19.
“I am reminding all our police commanders to be on alert and strictly monitor your areas of responsibility to prevent mass gatherings and ensure the observance of minimum public health safety standards. Wala na dapat makalusot na superspreader events sa inyong mga AOR,” bilin ng hepe ng pambansang pulisya.
Inutusan niya ang lahat ng police station commanders na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan hanggang sa mga barangay para matiyak na masusunod ang kanyang utos.
Hindi dapat aniya maging kumpiyansa ang publiko sa pagbaba na ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID 19.
Napaulat na 54 ang tinamaan ng COVID 19 matapos ang selebrasyon.