Naniniwala si Senator Joel Villanueva na mas matutugunan ng gobyerno ang mga pangangailangan ng mga Filipino na nasa ibang bansa kung makakapagtatag ng Department of Overseas Filipinos (DoFil).
Inisponsoran na sa plenaryo ni Villanuveva, bilang namumuno sa Committee on Labor, ang Senate Bill No. 2234, na layon bumuo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF).
Sa kanyang sponsorship speech, ipinaliwanag ng senador na ang istraktura ng DMWOF ay para tugunan ang mga pangangailangan at hamon na kinahaharap ng mga Filipino na nasa ibang dako ng mundo.
Naniniwala din ito na napakahalaga ng panukala sa mga hakbang na pasiglahin muli ang ekonomiya.
Samantala, sa co-sponsorship speech naman ni Sen. Christopher Go, sinabi nito na masaya na siya ay natatalakay na ang panukala, na ilang ulit nang itinulak ni Pangulong Duterte sa kanyang mga huling State of the Nation Address (SONA).
Malinaw naman aniya na layon ng panukala na ibigay sa mga overseas Filipinos ang sulit na serbisyo at malasakit mula sa gobyerno.