Military plane ng China, lumapag sa Kagitingan reef

 

Sa kauna-unahang pagkakataon, isang military plane ng China ang lumapag sa pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea o West Philippines Sea.

Ayon sa state media ng China, isang military plane ang lumapag sa bagong gawang runway sa Fiery Cross reef o Kagitingan reef nitong nakaraang Linggo.

Ang runway sa Fiery Cross reef ay isa sa tatlong paliparan na itinatayo ng China sa mga bahura sa Spratly archipelago nitong nakalipas na taon.

Kinailangan aniya na dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ang tatlong maysakit na manggagawang nakabase sa isla kaya’t ipinadala ang naturang eroplano.

Giit pa ng Chinese media na ipinakita sa naturang hakbang ang bilis ng pagtugon ng kanilang bansa sa anumang uri ng sitwasyon na posibleng maganap sa rehiyon.

Matatandaang makailang ulit nang ipinrotesta ng Pilipinas at iba pang bansa kasama na ang Amerika ang pagkamkam ng pinag-aagawang teritoryo ng China sa South China Sea.

Pangamba ng Amerika, posibleng gamitin ng China ang mga itinatayong istruktura sa pagpapalakas ng kanilang military presence sa naturang rehiyon.

Gayunman, makailang ulit na ring iginiit ng China na wala silang balak na na i-militarize ang mga isla.

Noong nakaraang taon, ilang civilian plane din ng China ang nagsagawa ng test flight landing pinag-aagawang teritoryo.

Read more...