Inatake ng mga hackers na Anonymous Philippines at Bloodsec International ang website ng DZMM, Lunes ng gabi.
Inako rin ng Bloodsec sa kanilang Facebook post na ini-leak nila ang buong database ng nasabing radio station ng ABS-CBN.
Dahil sa pangha-hack, tuwing bubuksan ang website ng DZMM, tatambad ang mensahe ng mga hackers na “Our minds are constantly being invaded by legions of half-truths, prejudices, and false facts.. One of the great needs of mankind is to be lifted above the morass of false propaganda.”
Inakusahan ng Anonymous Philippines ang ABS-CBN ng umano’y hindi patas o bias na pagbabalita at binantaan na sila ay nagbabantay.
“Media manipulation and bias reporting, ABS-CBN, we are watching,” sabi ng Anonymous Philippines sa kanilang Facebook post.
Matatandaang kamakailan lamang ay na-hack naman ang website gn Commission on Elections upang ipanawagan ang buong implementasyon ng security measures ng PCOS machines na gagamitin sa halalan.
Tiniyak naman ng COMELEC sa publiko na walang mahahalaga at sensitibong impormasyon ang nakuha ng mga hackers sa kanilang website na maglalagay sa mga botante sa alanganin o panganib.