Kapwa pinandigan nina Senators Cynthia Villar at Nancy Binay ang magkaiba nilang posisyon kaugnay sa isyu na pagpapalabas na sa senior citizens na naturukan na ng COVID 19 vaccines.
Sa pagdinig ng Committee on Economic Affairs, iginiit ni Villar na nararapat lang na payagan nang makalabas ng bahay ang mga may edad 66 pataas kung kumpleto na ang bakuna kontra COVID 19.
Katuwiran niya tila walang saysay na ginawang prayoridad sa bakuna ang mga nakakatanda kung patuloy lang silang ikukulong sa kanilang bahay.
Nagpahayag ng pangamba ang senadora na maapektuhan na ang pag-iisip ng mga nakakatanda kung hindi pa sila palalabasin ng bahay.
Sa kabilang banda, iginiit naman ni Binay na ang pagiging bakunado ng mga nakakatanda ay hindi garantiya na hindi na sila tatamaan ng nakakamatay na sakit.
At ang kanyang pangamba maging ‘super spreader’ pa ng COVID 19 ang senior citizens kung palalabasin na sila ng bahay.
“’Yong mga senior citizens natin, sila ‘yong pwedeng mag-cause ng collapse ng health system natin kasi sila yung prone to get COVID,” katuwiran pa ni Binay.
Paniwala naman ni Villar ang lahat ay maaring makapanghawa ng COVID 19 kahit ano pa ang kanilang edad.
Sa dakong huli, kinampihan ni Sen. Imee Marcos, ang namumuno sa komite, ang posisyon at katuwiran ni Villar.
Sa ngayon tanging mga may edad 18 hanggang 65 pa lang ang pinapayagan na makalabas ng kanilang bahay.