PNP, PDEA napaglaruan ng nakakulong na drug suspect – Sen. Dela Rosa

Nagkaroon na ng kaunting liwanag kay Senator Ronald dela Rosa ang posibleng ugat ng nangyaring misencounter sa pagitan ng mga ahente ng PDEA at pulis-Quezon City noong nakaraang Pebrero 24 sa Commonwealth Avenue.

Kasunod ito nang isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ukol sa insidente.

Ipinunto ni dela Rosa na lumabas na isang Mervin Magallon alias Pao Pao, na nakakulong sa Sablayan Penal Colony sa Occident Mindoro, ang nagbigay ng impormasyon kay Jonaire Decena, na isang drug suspect na nasa kustodiya ng Quezon City Police District.

Nabatid na kinontak din ni Magallon si Matalnas Untong alias Bato na asset naman ng PDEA.

Ito, ayon kay dela Rosa, ang lumalabas na ugat nang pagkasa ng magkahiwalay na operasyon ng PDEA at QCPD sa iisang lugar.

Bunga nito, ipinagdiinan ng senador ang pangangailangan na maamyendahan ang batas na gumagabay sa awtoridad sa pagkasa ng kanilang anti-drug operations.

Aniya maiiwasan ang mga misencounter kung malinaw at maayos ang koordinasyon ng mga ahensiya na maaring magsagawa ng anti-drug operations.

Magsasagawa pa muli ng pagdinig ang komite kapag natapos na ang NBI ang pag-iimbestiga sa insidente.

 

Read more...