Naniniwala si Senator Leila de Lima na epektibo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para mabago ang buhay ng mga mahihirap na Filipino.
Sinabi nito na mali ang mga pagdududa at sinasabi na tinuturuan lang ng programa na umasa sa gobyerno ang marami sa mga benipesaryo.
“Sa mga ganitong panahon ng krisis, nakikita natin ang halaga ng pagbibigay suporta at ayuda sa mga nangangailangan tulad ng 4Ps. Malinaw na hindi ito isang limos o dole out lang, kundi isang investment at pagbibigay ng kakayahan sa mga kapuspalad na dumadaan sa mahigpit na pagsubok dahil sa labis na kahirapan o matinding sakuna,” ayon kay de Lima, ang nag-akda ng 4Ps bill sa Senado.
Naging ganap na batas ang panukala noong Abril 17, 2019 at sa programa ay bibigyan ng conditional cash grants ang tinatayang 4.4 milyong mahihirap na pamilya hanggang pitong taon para maiangat ang kanilang pamumuhay, mapagbuti ang kanilang kalusugan at masiguro ang edukasyon ng kanilang mga anak.
Nanawagan din ang senadora na tigilan na ang pangha-harass sa mga benepisaryo ng programa.