Upang maiwasan ang misencounter at mas mapagtibay ang kampaniya laban sa kriminalidad, hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang law-enforcement agencies na pagtibayin ang kanilang inter-agency coordination.
Bunga ito nang muntikan barilan na naman ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at tauhan ng Quezon City Police District sa Novaliches kamakailan.
“Full support tayo sa kanila — full support tayo sa PNP, full support tayo sa PDEA, lahat po ng funding requirements nila, lahat po ng operational requirements nila ay sinusuportahan po natin,” sabi ni Go sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs.
Magugunita na una nang nagka-engkuwentro ang mga ahente ng PDEA at pulis-QC sa Commonwealth Avenue noong Pebrero 24 na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang pulis, isang PDEA agent at isang civilian asset.
Pinaimbestigahan ni Pangulong Duterte sa NBI ang insidente.
Kumpiyansa naman si Go na may maibubunga na maganda ang pagdinig sa Senado para maiwasan na ang mga pagbanggaan ng mga puwersa ng gobyerno.