Nabigyan na si Quezon City Mayor Joy Belmonte ng bakuna laban sa COVID-19.
Ayon sa alkalde, kahit bahagi siya ng A1 category sa vaccination priority list, hinintay muna niyang mabakunahan muna ang iba pang kabilang sa priority groups.
“Also, after just recovering from COVID-19 last month, I did not see the need for me to be vaccinated immediately,” aniya pa.
Tulad ng ibang residente ng Quezon City, nag-book aniya siya ng kaniyang vaccination appointment sa pamamagitan ng EZConsult website.
Naturukan ng unang dose ng Sinovac vaccine si Belmonte sa vaccination site sa Ateneo bandang 1:00, Lunes ng hapon (May 24).
“Dahil dalawang beses kong naranasang magka-COVID-19, batid ko ang kahalagahan ng bakuna upang maiwasan ang pagkakaroon ng malalang sakit na dulot ng virus,” pahayag ng alkalde.
Sa kaniyang pagbabakuna, umaasa si Belmonte na mahihikayat niya ang marami pang residente sa QC na magpabakuna na rin laban sa nakakahawang sakit.
“While it is our right to refuse a particular brand of vaccine, health experts are one in saying that the best vaccine is the one readily available, the one that is in your arm,” ani Belmonte at dagdag pa nito, “Herd immunity cannot be achieved, if we all wait for a preferred vaccine brand based on a notion that it is of a higher quality or more prestigious.”
Nagpasalamat naman ang alklade sa lahat ng bahagi ng QCProtekTODO Vaccination Program sa lungsod at maging sa pagseserbisyo ng healthcare workers at volunteers upang tuluyan nang mawakasan ang pandemya.